Wednesday, May 16, 2007

Opisyal ng PA, bihag ng NPA

Isang opisyal ng PA (Philippine Army) ang ngayo’y bihag o POW (prisoner of war) ng NPA (New People’s Army) batay sa pandaigdigang makataong mga batas at 1996 Unilateral Declaration ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines). Idineklara ng CAD (Camp for the Administration of Detainees) ng NPA sa Katimugang Mindanaw na nasa kamay nila ang staff sargeant ng PA na si Albert A. Baludoya bilang POW. Naglunsad ng isang espesyal na imbestigasyon ang Merardo Arce Command-Southern Mindanao Regional Operation Command ng NPA upang tingnan ang posibleng mga krimen at ilang paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong mga batas na nagawa ni Sgt. Baludoya sa kanyang 17 taong paglahok sa kontra-rebolusyonaryong digmaan. Si Baludoya ang detachment commander ng 72nd Infantry Battalion ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa Aliwagwag, Cateel Davao Oriental. Samantala, sinabi nitong iginagalang at pinangangalagaan ng NPA si Baludoya bilang POW. Ang pag-aresto, pagbihag at pagdetine, at posibleng paglilitis sa mga POW ay makatarungang dinadala ng NPA, ayon pa sa pahayag ng kumand. Nasa ilalim ngayon ng kustodiya ng CAD-NPA si Baludoya habang naghihintay sa resulta ng imbestigasyon. Siniguro ng NPA na mahigpit nitong sinusunod ang pandaigdigang makataong mga batas, Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, mga war protocol, at mga tuntunin ng disiplina ng NPA. Batay sa ipinakita ng NPA sa mga kaso ng POW, walang masamang mangyayari kay Baludoya dahil umaayon daw ito sa patakaran ng makatao at maayos na pagtrato sa mga bihag ng digma.

No comments:

PHERCER's eBLOG @ 2008

Email: